3 bata patay sa sunog sa QC

3 bata patay sa sunog sa QC

May 29, 2022 @ 9:37 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang tatlong bata nang ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Tatalon, Quezon City kaninang madaling araw, Linggo.

Alas-4:19 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na residential building sa Kaliraya Street.

Kwento ng ama, nagising na lamang sila ng kanyang misis nang makaamoy ng usok sa kanilang kwarto kung saan natutulog ang kanilang tatlong anak.

Gumapang palabas ng bahay ang ama para humingi ng tulong bitbit din ang kanilang apat na buwang sanggol.

Nailigtas ang sanggol makaraang ihagis mula sa ikalawang palapag ng gusali na sinalo naman ng kanilang kapitbahay.

Nakatalon din ang kanyang misis at ang panganay nilang anak.

Sa kasamaang palad, hindi na nailigtas pa ang tatlong bata na edad 9, 8 at 4 na taong gulang.

Mag-aalas 5:00 ng madaling araw nang maapula ang apoy na umabot lamang sa unang alarma.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang posibleng pinagmulan ng sunog. RNT/ JCM