3 biktima ng human trafficking na-rescue sa Pasay; Chinese national arestado

3 biktima ng human trafficking na-rescue sa Pasay; Chinese national arestado

December 5, 2022 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tatlong biktima ng human trafficking kabilang ang isang menor de edad ang na-rescue sa operasyong isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Pasay Police Station Investigation Section (SIS), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at MSWD ng Barangay 76 na nagresulta din ng pagkakadakip sa isang Chinese national na tumatayong bugaw ng mga biktima nitong Linggo (Disyembre 4).

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla ang inarestong Chinese national na suspect na si LI QI, 30, kasalukuyang nanunuluyan sa Room 822 Tower 2, Shore Residences, Brgy. 76 Zone 10, Pasay City.

Base sa report na natanggap ni Tabernilla, naganap ang matagumpay na rescue operation sa isang menor-de-edad at dalawa pang babae biktima dakong alas 7:30 ng umaga sa Room 901 at Room 5112, Tower C1, Shore Residences, Pasay City.

Sinabi ni Tabernilla na nag-ugat ang pagsasagawa ng rescue operation bunsod sa reklamo ng pinsan ng menor-de-edad na biktima sa Cyber Crime Investigation and Coordinating Center ng Kagawaran ng Teknolohiyang Pangimpormasyon at Komunikasyon (DICT) matapos makakuha ng pagkakataon ang biktima na makahingi ng tulong sa kanyang pinsan.

Idinetalye ng menor-de-edad na biktima sa kanyang pinsan na ikinulong sila kasama ang iba pang mga babae sa isang kuwarto sa Room 5112, Tower C1, Shore Residences na matatagpuan sa kahabaan ng Macapagal Blvd., Brgy., 76 Zone 10, Pasay City.

Idinagadg pa ng biktima na pilit silang pinagtatrabaho bilang sex workers ng isang Chinese national na kilala lamang sa pangalang “Philip”.

Ayon kay Tabernilla, agad na kumilos ang pulisya makaraang makipag-ugnayan sa kanila ang DICT at ikinasa ang rescue operation kung saan nadatnan sa room 0901 ang menor-de-edad at inaresto ang kasama nitong Chinese sa kwarto na malapit nang isagawa ang pagtatalik.

Sa patuloy na imbestigasyon ay napag-alaman din na ang grupo ng sinasabing Philip ay sangkot rin sa produksyon at pagbebenta ng mga malalaswang nilalaman, paglalako at pag advertise ng kanilang ilegal na aktibidad sa pamamagitan ng iba’t ibang applications ng social media platforms.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 na inamyendahan ng RA 10364 na kilala rin bilang Expanded Anti Trafficking in Persons Act of 2012 ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa Pasay City police custodial facility. James I. Catapusan