3 bugaw arestado, 6 babae nasagip

3 bugaw arestado, 6 babae nasagip

October 13, 2022 @ 3:11 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong bugaw habang nasagip ang anim na babae sa isinagawang entrapment operation kaninang madaling araw sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III, ang mga naaresto na sina Ariel Orongan Medidas, 42-anyos, residente ng Brgy. Sauyo, Q.C., Jennefer Sarte Dela Cruz, 37, ng Rodriguez, Rizal, at Aiza Moreno Alegre, 30, nakatira sa Benitez St., Cubao, Q.C.

Ayon kay District Women and Children Concern Section (DWCCS) chief PMAJ Sheryl Bautista, dakong alas-2:15 ng madaling araw (October 13) ng kanilang isagawa ang operasyon sa Aurora Blvd. corner Oxford St. Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Q.C.

Lumalabas na isang tip ang natanggap ng kapulisan sa ginagawang kalakalan ng mga suspek sanhi upang ikasa ang entrapmet operation laban sa mga ito.

Isang pulis na nagpanggap na customer sa mga suspek at inalok ng mga ito ang mga batang babae sa halagang P500 kapalit ng sexual services.

Nang maibigay ang nasabing halaga ay dito na dinakma ng mga awtoridad ang tatlo at nailigtas ang anim na mga kababaihan.

Nakapiit na sa DIDMD Centralized Custodial Facility sa Camp Karingal ang mga suspek na nahaharap sa kasing paglabag sa RA9208 o ang Ant- Trafficking in Persons Act of 2003 habang dinala naman sa Quezon City Social Services Development Department (SSDD) ang mga babae na nasagip.

Pinapurihan naman ni Torre ang DWCCS personnel habang nagpaalala naman siya na “I hope that the arrest of the suspects serves as a stern warning to others who are engaging in similar illegal activities such as prostitution”. Jan Sinocruz