3 CAFGU patay sa bakbakan vs NPA

3 CAFGU patay sa bakbakan vs NPA

August 3, 2018 @ 4:57 PM 5 years ago


Masbate – Tatlong aktibong miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit o CAFGU ang napatay sa pakikibakbakan laban sa New People’s Army (NPA) sa Barangay Mactan bayan ng Cawayan, Masbate Biyernes ng umaga.

Sa ulat ng Masbate Provincial Police Office (MPPO), nagsasagawa ng combat patrol operations sa Brgy. Mactan ang mga tauhan ng CAA Detachment ng 2 Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Barangay Del Carmen, Uson, Masbate nang makasagupa ang hindi pa mabilang na miyembro ng NPA.

Matapos ang ilang minutong palitan ng putok kaagad na nasawi ang tatlong CAFGU habang hindi pa mabatid ang bilang ng mga nasawi at nasugatan sa hanay ng mga rebelde.

Nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga tauhan ng militar sa nasabing lugar sa mga nakatakas na rebeldeng grupo. (Jeff Gallos)