3 drug suspects arestado P136K shabu sa Valenzuela

3 drug suspects arestado P136K shabu sa Valenzuela

October 29, 2022 @ 3:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng tatlong hinihinalang drug personalties matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong mga suspek bilang si Ariel Ibañez alyas “Arjay”, 34, Jose Dasigan alyas “Duds”, 46, crane operator, kapwa ng Brgy. Ugong at Jose Garry Pre, 50, carpenter ng Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Col. Destura, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa No. 5175 Maya St., Ugong kung saan isang undercover police ang nagawang makipag-transaksyon ng P500 halaga ng shabu kay Ibañez.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Ibañez, kasama ang kasabwat nitong si Dasigan at si Pre na nakuhanan naman ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P136,000, buy bust money, P600 recovered money at dalawang cellphones.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez