3 durugista isinelda sa P442K shabu sa Malabon

3 durugista isinelda sa P442K shabu sa Malabon

March 3, 2023 @ 11:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Swak sa selda ang tatlong drug personalities matapos makuhanan ng pulisya ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro na halos isang linggo ring minatyagan ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Alexander Dela Cruz ang aktibidad ng mga nadakip na suspek na kinilalang sina Darwin Lopez, 38, Orlando Ocampo, 48, kapuwa residente ng Brgy. Longos, at Sonny Ramos, 46, ng Del Rosario St. Brgy. Dampalit, bago ikinasa ang buy-bust operation laban sa kanila dakong alas-4 ng madaling araw sa kanto ng Salmon at Salinas Streets sa Brgy. Longos.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. sinabi ni Col. Daro na napabilang na sa high value individual (HIV) ng pulisya si Ocampo bagama’t kamakailan lamang nalagay ang kanyang pangalan, kasama ang dalawa niyang kasabuat sa talaan ng mga drug pusher sa lungsod.

Nadakip ang mga suspek nang magsabuwatan sa pagbebenta ng shabu na nagkakahalaga ng P11,500 sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang humigit-kumulang 65.2 na gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang P442,360; isang cellular phone na kanilang gamit sa ilegal na transaksiyon at ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang P500 bill at 11-piraso ng P1,000 boodle money.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Malabon Police SDEU ang mga nadakip na suspek habang inihananda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila sa piskalya ng Malabon City. Boysan Buenaventura