3 durugista, timbog sa P61K shabu sa Malabon

3 durugista, timbog sa P61K shabu sa Malabon

March 23, 2022 @ 2:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang kinabagsakan ng tatlong bagong identified drug personalities, kabilang ang dalawang babae matapos madakma sa buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang mga naarestong mga suspek na sina Fe Santiago “Pepot”, 42, Lorielyn Cadacio, 31at Rogelio Brigido, 38, pawang ng Celia 2 St., Brgy. Bayan-Bayanan.

Ayon kay PMSg Randy Billedo, nakatanggap ng impormasyon mula sa kanilang impormante ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz hinggil sa illegal drug activities umano ng mga suspek.

Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ang buy bust operation sa Celia 2 Brgy. Bayan-Bayanan dakong alas-3:30 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos bentahan ng dalawa sa kanila ng P500 halaga ng shabu ang isang police na umakto bilang poseur-buyer.

Tinatayang aabot sa 9 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P61,200.00 ang nasamsam sa mga suspek, kasama ang marked money.

Kakasuhan ng pulisya ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura