3 durugista timbog sa P90K shabu sa Malabon

3 durugista timbog sa P90K shabu sa Malabon

January 18, 2023 @ 1:21 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang menor-de-edad na lalaki na nailigtas sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Randy Bergonia alyas “Badboy”, 27, construction worker, (pusher/listed), Joenar Samaro alyas “Bakie”, 19, (user/listed) at isang binatilyo.

Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, bandang alas-10:50 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Hiwas St. corner Labahita St., Brgy. Longos.

Matapos tanggapin ang P500 marked money mula sa isang undercover police na panggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinakip ng mga operatiba ang mga suspek.

Ani PMSg Randy Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 13.29 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value Php 90,372.00 at buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang tinurn-over naman sa pangangalaga ng CSWD ang narescue na menor-de-edad. Boysan Buenaventura