3 estudyante nagrambulan, 2 sugatan

3 estudyante nagrambulan, 2 sugatan

January 17, 2023 @ 2:34 PM 3 weeks ago


CAUAYAN CITY, ISABELA- Hanggang sa ngayon ay nilalapatan pa rin ng lunas ang dalawang estudyante na kabilang umano sa nagrambulan na tatlong estudyante ng Cauayan City National High School dito sa nasabing lalawigan.

Ang suspek sa nasabing pananaksak ay 13 anyos na grade 8 student; habang ang mga biktima naman nito ay 15-anyos at 16-anyos na itinago sa pangalang “Jay” at “Joseph”.

Sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na umano ang suspek sa kanilang tahanan bandang alas-12 ng tanghali at naghihintay na ng tricycle na kaniyang sasakyan nang bigla umano itong lapitan nina Jay at Joseph at saka pinagsusuntok.

Dahil dito ay inilabas na umano ng suspek ang noo’y nakatagong patalim sakaniyang bag at saka lumaban at inundayan ng saksak ang dalawang biktima na tumama naman sa bahagi ng kanilang katawan.

Nagtamo ng tama sa tagiliran ang mga biktima na agad namang isinugod sa pinaka malapit na pagamutan matapos na tuluyang maawat ang nasabing komusyon.

Nagpapagaling na ngayon ang isa sa mga biktima sa pribadong pagamutan sa nabanggit na lungsod matapos umano itong magtamo ng malalang sugat sa katawan.

Ngunit nakatakdang magsampa ng kaso ang mga magulang ng mga biktima. Rey Velasco