3 estudyante pinagbabaril; 1 patay

3 estudyante pinagbabaril; 1 patay

February 16, 2023 @ 10:27 AM 1 month ago


PIKIT, North Cotabato –MAAGANG binawian ng buhay ang 13-anyos na binatilyo habang sugatan ang dalawa nitong kasama matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek, nitong Martes sa bayang ito.

Kinilala lamang ang nasawi sa pangalan Fahad, estudyante ng Pikit National High School habang ginagamot naman sa Cruzado Medical Hospital ang dalawa nitong kasaman kinilala ang isa sa pangalan Jinwar at kapwa 12-anyos.

Batay sa report ng Pikit Municipal Police Station, bandang 12:00 PM naglalakad ang mga biktima sa kahabaan ng Barangay Gli-Gli Pikit North Cotabato ng bigla na lamang silang pinagbabaril ng suspek.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan si Fahad na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang patuloy naman ginagamot sa ospital ang dalawa.

Agad naman hinatid sa kanyang huling hantungan si Fahad ayon sa ritwal ng Islam at sumisigaw ng hustisya ang pamilya nito.

Kasunod nito, sinuspinde ni Pikit Mayor Sumulong Sultan ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa nasabing bayan simula February 15 hanggang February 17,2023 dahil na rin sa sunod-sunod na patayan sa naturang bayan at pati mga inosenteng bata ay hindi pinatawad.

Ayon kay Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng Pikit-PNP, nagsasagawa na sila ng manhunt operation laban sa mga suspek at sa serye ng patayan sa area of responsibility nito.

Matatandaan na noong Lunes isang Dodong Gonzales, tricycle driver ang binaril patay malapit sa town proper.
Sa Barangay Takepan naman binaril-patay din ang isang may-ari ng bakery na si Ansarie Luntayan, sa hindi pa malamang kadahilanan./Mary Anne Sapico