3 ex-PDEA chiefs, pumalag sa isyu ng reward na droga sa informant

3 ex-PDEA chiefs, pumalag sa isyu ng reward na droga sa informant

March 15, 2023 @ 5:59 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Todo-tanggi ang tatlong dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general, sa alegasyon na binibigyan nila ng 30% ng mga nakukumpiskang illegal na droga ang mga informant sa bawat matagumpay na operasyon.

Kasabay kasi ng pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee nitong Miyerkules, Marso 15, inilahad ni PDEA Director-General Moro Virgilio Lazo kung paano niya nakuha ang naturang impormasyon na una na rin niyang ibinahagi sa pagdinig sa Kamara.

Ani Lazo, dahil bago pa lamang siya sa pwesto, humingi siya ng tulong sa malapit na kaibigan na isang retired Philippine National Police (PNP) officer, para sa mga informants.

Nag-alok naman ang mga informants ng tulong kapalit ang 30% ng nakumpiskang droga, dagdag niya.

Idiniin naman ni Lazo na magbibigay lamang siya ng monetary rewards ayon sa sinasabi ng batas.

“They mentioned one incident na hindi raw nakarating sa kanila kasi ‘yung reward. Kaya through this close friend of mine na kailangan harapin para magkaroon sila ng assurance na hindi sila tatablahin o talagang maibibigay ang reward,” aniya.

“Nagkaharap-harap nga kami. Tinanong ko rin kung bakit gano’n. Eh sabi nila sir ‘yun daw ang kalakaran, to use their words. Pati rin daw sa kabila…They were referring to the PNP,” dagdag niya.

Samantala, pumalag naman si dating PDEA Director-General Wilkins Villanuneva at sinabing hindi ito ang kalakaran noong siya ay PDEA chief pa.

“Masakit, sir, ‘yung dinivulge kasi, sir, ang haba ng trabaho natin e. Twenty years ako sa PDEA at never naging kalakal namin ‘yan e,” sagot ni Villanueva.

“I’m sorry, sir, ‘yung lumapit sa ‘yo, I assure you basurero ng droga ‘yan’, sir. Kasi kung mag-aano ka ng 30%, magbabasura ka ng droga. Sa’n mo ibabasura ‘yan? Sa barangay. No other else. So ibig sabihin kukuha ka ng malaking seizure. ‘Yung 30%, dito ilalagay mo sa influenced barangay,” dagdag ni Villanueva.

“Kasi kung may 30% ka kasi, sisingaw ‘yan, sir. Imposibleng hindi sumingaw ‘yan…Sisingaw ‘yan sa mga law enforcement,” pagpapatuloy pa niya.

Sinabi pa ni Villanueva na kung siya ang nasa kalagayan ni Lazo, hihingi siya ng intelligence operation sa mga informants na ito.

“Kung ako yung nilapitan, ang una kong tatrabahuhin, ‘yung lumapit sa akin. Kasi siguradong basurero kasi alam niya ‘yung mga nag-30%. ‘Yun ang dapat kokonductan ko ng intelligence operation.”

Naniniwala naman si Senador Raffy Tulfo na posibleng nangyayari ito sa PDEA.

“It’s possible na ‘yung sinasabi ng asset kay DG Lazo may katotohanan. We have to accept our fault, our weaknesses nang sa gayon do’n natin maso-solve ang isang problem. Maaaring may katotohanan. Imbes na babanggain ninyo you have to investigate,” giit ni Tulfo.

“General Lazo, this committee is not trying to shoot the messenger. In this case, you are the messenger. We are not trying to shoot you down. We are very thankful of your information. It opened up a can of worms. If the can being opened ay walang laman na worm, basta ang katotohanan ang lalabas dito… But remember [that] being the messenger you still have a moral obligation na maparating ang message clearly sa intended recipient,” sinabi naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

“Please do due diligence on your part to follow that informant at malabas natin ang katotohanan talaga,” dagdag niya.

Itinanggi rin ni dating PDEA chief Aaron Aquino ang alegasyon at sinabing nakakalungkot ang ganitong klase ng kwento na ipinakakalat.

“It’s hurtful, it’s saddening and I’m more than angry when I saw that video when DG Lazo told Cong. [Ace] Barbers that there’s a 30% cut itong mga informers natin,” ani Aquino.

“With due respect to DG Lazo, sa totoo lang kung nangyari sa akin ‘yon, poposasan ko talaga ‘yung dalawang ‘yon kung sino man ang mga taong ‘yon kasi ang kakapal ng mukha e. Parang ang lakas ng loob na lumapit sa isang director general to make an offer na 30%. Parang hindi tama e,” dagdag niya.

Samantala, itinanggi rin ni dating PDEA director-general Isidro Lapeña ang kwentong ito at sinabing walang ganitong kalakaran sa kanyang pamumuno.

“Not under my watch… I confirm ‘yung mga sinabi ni DG Wilkins Villanueva. Gano’n ang ginagawa namin noon. Siya ang NCR ako ang DG, and I can say with certainty we did our best, a very vigorous campaign against drugs. Ako ang unang DG ng PDEA under the Duterte administration. It has to be very vigorous, relentless and I think we have delivered,” ani Lapeña. RNT/JGC