3 fixer tiklo sa Makati City Hall

3 fixer tiklo sa Makati City Hall

February 1, 2023 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binalaan ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga fixers na naglipana at gumagala sa city hall na tumigil sa kanilang ilegal na gawain matapos madakip sa ikinasang entrapment ang tatlo sa mga suspects kung saan ang dalawa dito ay mismong empleyado ng lokal na pamahalaan.

Kinilala ni Binay ang mga inarestong suspects na sina Wilfreda De Leon, 59, regular na empleyado sa city hall bilang Administrative Assistant II; Merlin Balbuena, 46, casual employee na nakatalaga sa Health Department Sanitation Section; at Aisheen Mana-ay, 27, empleyado ng isang pribadong establisimiyento.

Sa pagkakaaresto kay De Leon ay hindi na niya matatangap ang benepisyo sa kanyang pinagtrabahuhan sa city hall.

“The city government will not tolerate fixers. We will continue to aggressively implement our anti-red tape initiatives to ensure that all transactions with the government are done in a transparent and fair manner,” ani Binay.

Base sa report na tinanggap ni Makati police chief P/Col. Edward Cutiyog, ang pagsasagawa ng operasyon ay bunsod sa kanilang natanggap na impormasyon sa talamak na nangyayaring ilegal na transaksyon ng mga empleyado ng city hall sa Makati Business Permits and Licensing Office (BPLO).

Agad na kumilos ang pulisya at ang unang nalambat sa inilatag na entrapment operation ay si Mana-ay na nadakip dakong alas-5:30 ng hapon matapos magpanggap ang isang babaeng pulis bilang kliyente ng suspect.

Humingi diumano si Mana-ay ng P500 kapalit ng mabilis na pagpoproseso ng dokumento at nang tanggapin ni Mana-ay ang nabanggit na halaga ay dinakma na ito ng mga operatiba.

Sa pagsasailalim ng interogasyon ni Mana-ay ay inginuso nito si De Leon na siyang nag-utos sa kanya na tumanggap ng pera.

Sa pagsasagawa ng follow-up operation ay nadakip naman si De Leon dakong alas-7 ng gabi sa Makati City Hall Building 2 kung saan narekober sa posesyon ng suspect ang P500 bill, 88 piraso ng tig-P1,000 na entrapment money, tatlong pirasong P500 boodle money at isang kulay itim na Cherry Mobile tablet.

Samantala, si Balbuena ay inaresto naman sa isinagawang entrapment operation dakong alas-7:40 ng gabi sa harap ng 7-Eleven na matatagpuan sa J.P. Rizal Avenue matapos makatanggap muli sila ng impormasyon ng mga naglipanang fixers sa labas ng Makati City Hall Building 2.

Nakuha naman sa posesyon ni Balbuena, na nanghihingi diumano ng P600 kapalit ng mabilis na paglabas ng dokumento, ng isang pirasong P1,000, 49 pirasong P1,000 boodle money at 41 accomplished health certificates.

Nahaharap ang mga suspects sa kasong paglabag sa RA 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan