3 huli sa 400 kalapating pangkarera

3 huli sa 400 kalapating pangkarera

July 9, 2022 @ 3:18 PM 1 month ago


STA. PRAXEDES, CAGAYAN- Nahaharap sa kasong RA 8485 o The Animal Welfare Act of 1998 ang apat na indibidwal matapos mahuli ang iligal na pagbiyahe ng 400 pangkarerang kalapati sa Brgy. Capacuan, Sta. Praxedes, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Jose, 29-anyos, driver, at residente ng 402 Lulian Felipe St. Sangadaan, Barangay 8, Caloocan City; alyas Andres, 40 taong gulang at residente ng 1057 Gen San Miguel, Sangandaan Barangay 4, Caloocan City; at si alyas Marcelo, 19 taong gulang, binata, at residente naman ng Letre, Barangay Tonsuya, Malabon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-3 nang maharang ng mga tauhan ng Department of Agriculture ang mga suspek sakay ng isang puting Mitsubishi L300 na naglalaman ng humigi’t kumulang 400 mga pangkarerang kalapati.

Bigo umano ang mga suspek na magpresenta ng anumang legal na dokumento para sa pagdadala ng nasabing mga kalapati na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nabatid na ang mga kalapati ay nagmula pa sa lungsod ng Malabon, Caloocan, at Metro Manila kung saan ang mga naarestong indibidwal ay naatasang palayain ang mga ito sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Ang nasabing mga kalapati ay inimbentaryo at nakuhanan ng larawan at isinailalim sa avian influenza virus test habang ang mga suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Sta Praxedes Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco