3-in-1 banyo ng PNR, nagkakahalaga ng P295.857 M – COA

3-in-1 banyo ng PNR, nagkakahalaga ng P295.857 M – COA

August 3, 2018 @ 8:35 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Binunyag ng Commission on Audit (COA) sa taunang ulat nito na ang “three-in-one” na banyo sa isang istasyon ng tren sa Maynila ay nagkakahalaga ng P295.857 milyon.

Ayon sa 2017 audit report, sinabi ng COA ang naturang findings ay mula noong 2014 at 2015 sa hindi natapos na ‘Kayo ang Boss Ko (KBK) Toilet Facilities Improvement Project’ at sinabing hanggang ngayon ay hindi pa rin nag-iisyu ng inventory report ang Department of Transportation (DOTr).

“No inventory report on used and unused construction materials was provided to COA,” sabi sa ulat.

Sinabi rin ng COA na 4 out of 5 lamang na memoranda of agreement (MOA) na pinasa sa DOTr Project Management Units ang napirmahan (as of Feb. 22, 2018).

Noong 2012, sinimulan ng administrasyong Aquino ang proyekto para ayusin at magtayo ng 1,000 toilets sa mga airport, pier at train stations.

Gayunpaman, 53.17 percent (as of 2016) lang ang naipatupad dahil sa “poor project management, project termination and abandonment by contractors.”

Dagdag pa ng COA, ang mga kontrata para sa civil works at suplay ng mga materyales sa proyekto ay ibinigay sa 17 na magkakaibang kontraktor at 3 suppliers imbis na sa straight contract basis.

Hindi rin umano malinaw ang guidelines na inisyu para sa  custody, accountability, and reporting requirements para sa mga construction materials.

“Thus actual deliveries to the regions amounting to P74,849,063.97 and issuance and utilization thereof including stocks on hand were not fully accounted for, thus exposing government resources to potential loss and wastage,” sabi pa ng COA.

Dahil dito, kinalampag na ng ahensiya ang DOTr upang magsagawa ng probisyon at maghain ng legal na aksyon laban sa transportation officials na responsable rito.

Kamakailan, itinuro ng DOTr ang sisi sa KBK Facilities kung saan sinabing ito ay isa sa mga isinagawa ng Department of Transportation and Communication (DOTC) noong 2012.

“PNR (Philippine National Railways) is recommending to DOTr blacklisting proceedings for the KBK contractors and officially handover the project to PNR for proper closure of the project,” ayon sa kamakailang Facebook post.

“The project was procured by DOTC separately, one for civil works and the other for supply of the materials, hence, the project was not implemented due to absence of coordination even after the end of the term of the past administration.”

Paliwanag ng DOTr, dahil ang proyekto ay hindi nai-turn over sa PNR, ang ahensiya ng tren ay hindi maaring akuin ang responsibilidad para tapusin at i-maintain ang nasabing proyekto.

Nasa 20 na toilet facilities ang ibinigay sa PNR sa iba’t ibang station mula sa Manila hanggang Bicol. Remate News Team