3 kababaihan na biktima ng human trafficking, nasagip ng BI

3 kababaihan na biktima ng human trafficking, nasagip ng BI

March 16, 2023 @ 7:17 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong babaeng pasahero na tinangkang makasakay patungong Lebanon at magpanggap na mga turista.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong kababaihan na hindi pinangalanan ay pinigilan sa kanilang pagsakay matapos nilang aminin na ni-recruit sila na magtrabaho bilang domestic helpers sa Lebanon.

“These trafficking syndicates are continuing their nefarious activities but we will not relax our vigilance in preventing their victims from leaving and be saved from the evils of human trafficking,” ayon kay Tangsingco.

Ayon sa travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI, ang tatlong pasahero ay nasabat noong Marso 10 at 12 sa NAIA Terminal 3.

Ang isa sa kanila ay isang 16-anyos na pasahero na inirekomenda para sa secondary inspection dahil sa kahina-hinala nitong dahilan ng pagbiyahe.

Noong ininterview, naunang sinabi na patungo ito ng Malaysia bilang turista pero sa passport na kanyang ipinakita ay isang Egyptian visa at hindi rin masabi kung nagtatrabaho siya doon.

Pero sa kalaunan ay inamin nito na patungo siya ng Lebanon kung saan siya magtatrabaho at may sahod na $400.

Ang pangalawa ay sinasabing magtratrabaho siya bilang sales agent sa isang appliance company pero kahina-hinala ang kanyang certificate of employment at wala itong maipakitang kakayahan na bumiyahe.

Dito niya inamin na patungo siya ng Lebanon bilang isang domestic helper.

Isa pang biktima ay nasabat noong Marso 12 na sinabing patungo siya ng Hongkong upang magbakasyon pero nalaman na patungo rin ito ng Lebanon bilang household service worker.

Ang tatlo ay nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa assistance at pagsasampa ng reklamo sa kanilang mga recruiters. JAY Reyes