3 kalaboso sa P.3M bato, damo sa Malabon, Navotas

3 kalaboso sa P.3M bato, damo sa Malabon, Navotas

July 4, 2022 @ 11:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Binitbit sa selda ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos malambat sa magkahiwalay n drug operation sa Malabon at Navotas Cities.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nadakip si Manuel Lacanilao, 37 ng Brgy. Bagumbayan South, Navotas City matapos pagbentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P300.00 ang isang tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dakong alas-3:30 ng madaling araw sa buy bust operation kanto ng C-4 Road at Leoño St. sa Brgy Tañong sa naturang lungsod.

Nakuna kay Lacanilao ng mga operatiba ng SDEU ang humigit kumulang sa 3.17 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P21,556.00 at ang markadong tatlong piraso ng tig-P100 piso.

Sa Navotas, nagsagawa ng covert patrolling at monitoring ang mga operatiba ng station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Gregorio Cueto sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Dexter Ollaging kasunod ng natanggap na impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na ilegal drug activities sa Dalagang Bukid St., Brgy. NBBS Dagat dagatan.

Pagdating sa lugar dakong alas-2:10 ng madaling araw, naaktuhan ng mga operatiba sina Christopher Ian Cabardo alyas “Topher”, 21, at Jessie Neil Cabardo alyas “Baliw”, 23, na nag-uusap habang pinaghahambing ang hawak nilang plastic sachets na naglalaman ng ilegal drugs.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ang dalawa at nakumpiska sa kanila ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tumimbang sa 10 gramo at nasa P1,200.00 ang halaga. Boysan Buenaventura