3 kalaboso sa pagbebenta ng gamot sa COVID

3 kalaboso sa pagbebenta ng gamot sa COVID

October 5, 2021 @ 3:23 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Mahaharap sa mga kaso ang tatlong indibidwal na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa hindi otorisadong pagbebenta ng gamot sa COVID-19.

Kinilala ang mga naaresto ng NBI– Anti-Graft Division (NBI-AGD) sa Pasay City na sina Karen Amero, Ronaldo Ceriola at Erickson Soriano.

Ayon kay NBI Director Eric Distor, hiniling nina Dr. Arnold G. Alindada, Director II, South Luzon Cluster-Field Regulatory Operations Office, Food and Drug Administration (FDA), na imbestigahan at magsagawa ng entrapment operation sa umanoy hindi otorisadong pagbebenta ng gamot sa COVID-19 tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Baricitinib at iba pa.

Ibinibenta umano sa pamamagitan ng online platforms tulad ng Facebook, Shopee, at Lazada.

Si Amero ay manager ng LMCSL Trading at delivery riders ng LMCSL Trading sina Ceriola at Soriano.

Ayon sa imbestigasyon, tinangka pang pumalag ni Amero na nagsabing may lisensiya mula sa FDA ang pagbebenta niya ng mga nasabing gamot ngunit napatunayan ng operatiba na hindi totoo ang sinasabi ni Amero.

Maliban sa mga gamot laban sa COVID-19 ay may iba pang medisina na iligal na binebenta ang mga suspek.

Mga kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Philippine Pharmacy Act ang isinampa ng NBI laban sa mga suspek na nakikulong sa NBI Detention Facility, sa Taft Avenue, Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •