3 katao arestado sa human trafficking, 5 babae nasagip

3 katao arestado sa human trafficking, 5 babae nasagip

October 2, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nalambat ng Quezon City Police District ang tatlong katao na sangkot sa human trafficking habang nasagip naman ang limang kababaihan sa magkahiwalay na entrapment operation ng District Special Operations Unit at District Women and Children Concern Section kagabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III ang unang nadakip na si Wendel Balangatan, 38 anyos, residente ng Novaliches, Q.C.

Ayon kay DSOU chief PLTCOL Rolando Lorenzo Jr, nakatanggap sila ng tip hinggil sa online booking ng mga babae.

Dahil dito, agad na nagkasa ng operasyon ang DSOU kung saan nagawa nilang makapag-book ng dalawang babae sa halagang P6,500.

Kasama ang DWCCS nadakip ang sinasabing ‘bugaw’ sa harap ng Verjandel Hotel na matatagpuan sa No. 70 Kalayaan Ave., Brgy. Teachers Village West, Q.C. bandang 10:20 ng gabi, Oktubre 1 at nasagip ang dalawang babae.

Samantala nakatanggap naman ng tawag ang DSOU mula sa isang concerned citizen sa nagaganap na pagbubugaw ng mga babae sa kahabaan ng Quezon Ave. Corner Dr. Garcia Sr St., Brgy. Paligsahan, Q.C.

Dakong 1:25 ng madaling araw, Oktubre 2 nang isagawa ang entrapment operation na nagresulta upang maaresto sina Cindy Salen, 47 anyos, rnakatira sa Brgy. South Triangle, Q.C. at Florita Vera, 60 , ng Caloocan City at pagkakaligtas sa tatlong babae.

Nakapiit na ang mga suspek at nahaharap ang mga ito sa paglabag sa R.A. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

“Nagpapasalamat ako sa ating kapulisan sa QCPD sa pagiging masigasig sa kanilang sinumpaang tungkulin. In partnership with QCPD, we will take action regarding these incidents and we will make sure to arrest anyone who will be involved in these kind of incident,” pahayag ni QC Mayor Josefina “Joy” Belmonte.

“Ang mga ganitong operasyon ng QCPD ay magpapatuloy sapagkat hindi natin hahayaang mapahamak ang ating mga kababaihan,” saad ni Torre III. Jan Sinocruz