3 kelot arestado sa shabu, bala, bolo sa Valenzuela

3 kelot arestado sa shabu, bala, bolo sa Valenzuela

February 20, 2023 @ 4:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – INARESTO ng mga pulis ang tatlong kelot matapos makuhanan ng shabu, mga bala, patalim, improvised icepick at bolo sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 6 commander PCPT Manuel Cristobal ang naarestong mga suspek bilang sina Edcel Galoso, 32, construction worker ng Meycauayan Bulacan, Ivan Car Toledo, 27, ng Brgy. Canumay West at Robert Manching, 32 ng Brgy. Veinte Reales.

Sa report ni PCPT Cristobal kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Malakas Street Corner C Santiago, Brgy. Veinte Reales ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni PSMS Roberto Santillan, kasama sina PSSg Mark Jason Gapol at Pat Gilbert Recodos dakong alas-11:20 ng umaga nang mapansin nila si Toledo at Manching na tinatanggal ang bala sa basyo nito gamit ang bolo at improvised ice pick, habang si Galoso ay may hawak naman na patalim.

Sinita sila ni PSMS Santillan at nang hanapan ng kaukulang dokumento o dahilan na nagpapahintulot sa kanila na magdala ng nasabing mga bagay ay wala silang maipakita na naging dahilan upang ang arestuhin sila ng mga pulis.

Nang kapkapan, nakuha kay Galoso ang isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P340 ang halaga at patalim habang nasamsam naman kina Toledo at Manching ang isang bolo, improvised icepick, tatlong bala at 50 pirasong basyo ng bala.

Ani PCpl Glenn De Chavez, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Article II of RA 9165, BP 6 (Illegal possession of Deadly Weapon) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions). RA Marquez