3 lider ng NPA, nadakip

3 lider ng NPA, nadakip

January 8, 2023 @ 10:30 AM 1 month ago


BACOLOD CITY —Arestado ang umano’y tatlong pinuno teroristang New People’s Army (NPA) sa pinagsamang operasyon ng militar at pulisya, iniulat kahapon sa bayan ng Calatrava, Negros Occidental.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Felix Susas Jr., na may mga alyas ‘Rigor,’ ‘Kenneth,’ ‘Glemore,’ at ‘Dapin,’ commander ng SYP Platoon at secretary ng Northern Negros Front (NNF); Cheryl Catalogo, alyas ‘Celo,’ miyembro at educational staff; Jalen Susas, at tatlo na nakilala sa mga alyas Cristel,’ ‘Izumi,’ at ‘CG,’ medical staff, acting finance officer, member, at educational staff ng NNF.

Sa pinagsamang operasyon ng 79th Infantry Battalion (IB), 6th Special Action Battalion of the Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF), Regional Mobile Force Battalion (RMFB)-6, 1st Negros Occidental Provincial Force Company, municipal police stations Calatrava at Toboso, nahuli ang mga suspek sa Sitio Pinamactinan, Barangay Cambayobo, Calatrava, matapos makatanggap ng report mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga rebeldeng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA at nagsasagawa ng pangingikil.

Nakuha ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 2-.45 caliber pistols, .9mm caliber pistol, 4-rifle grenades, 2- magazines at 7-bala ng .45 caliber pistol, magazine, at 18 bala ng .9mm caliber pistol, holster, 11 pitaka na naglalaman ng P4,106, 3-backpacks, t iba pang personal na kagamitan.

Ayon sa military, si Felix Susas Jr., ay may standing arrest warrant sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 or Comprehensive Firearms and Ammunition Law na ipinalabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Base pa sa report ng 3rd Infantry Division (ID), nahaharap din si Susas sa kasong homicide sa RTC Branch 40 Silay City, Negros Occidental at 2 kaso ng murder sa pagpatay kay Renato Estrebillo noong August 12, 2022, sa Barangay Marcelo, Calatrava at Barangay Lalong Captain Benjamin Javoc, sa Calatrava, noong August 26, 2022.

Nauna nang nag-alok ng pabuya sa halagang P500,000 para sa pag-aresto kay Roger Fabillar alyas ‘Arnel Tapang’ o ‘Jhong,’ na itinuturong responsable sa mga patayan sa bayan ng Calatrava, kabilang ang pagkamatay nina Javoc at Estrebillo.

Sinampahan na ng kasong murder ng pulisya laban sa mga salarin, bago pa man ang aminin ni Roselyn Jean Pelle Command – Northern Negros Guerilla Front ng NPA (RJPC-NPA) na sila ang nasa likod ng nasabing pamamaslang.

Pinuri naman ni Major Gen. Benedict Arevalo, 3ID commander, ang tropa ng pamahalaa sa matagumpay sa nasabing joint operation at pinasalamatan din niya ang mga residente sa pagtitiwala sa mga sundalo at kooperasyon na ibinibigay para masugpo ang mga rebeldeng grupo. Mary Anne Sapico