3 listed drug personalities, nalambat sa Navotas buy-bust

3 listed drug personalities, nalambat sa Navotas buy-bust

November 26, 2022 @ 12:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tatlong listed drug personalities ang himas-rehas matapos masakote ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Jessie Mark Rotia alyas “Nguso”, 30, (pusher/listed), construction worker, Jayson Cubay, 30, (pusher/listed), fisherman, at Bernardo Asigurado, 50, (user/listed), vendor, pawang residente ng Brgy. Daang Hari.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Kapalaran 3, Brgy. San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni Rotia.

Matapos tanggapin ang P300 marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Rotia, kasama ang kanyang kasabwat na si Cubay.

Kasam ring inaresto ng mga operatiba si Asigurado na sinasabing umiskor din ng droga sa dalawa.

Nakumpiska sa mga suspek limang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 2 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P13,000, marked money at P200 recovered money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura