3 luminya sa iligal na droga, arestado!

3 luminya sa iligal na droga, arestado!

March 10, 2023 @ 9:23 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Arestado ang tatlo kabilang ang isang babae matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Culiat, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Capt. Elmer Antonio hepe ng station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City Police Station 14 Holy Spirit ang mga dinakip na sina Lynnette Rolle, alyas Ayo, 43, dalaga, ng Purok 3, Luzon Avenue, Brgy. Culiat, QC, Andy Tuplano, 45, Lalamove driver, residente ng 409 Marine Road, Brgy. Holy Spirit, QC, Najib Mangutara, 36, residente ng 30 Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, QC.

Ayon kay Cpl. George Rimorin, nadakip ang mga suspek sa kahabaan ng Bayanihan Street, Purok 3, Luzon Avenue, Brgy. Culiat,QC dakong alas-10:30 ng gabi Marso 8, 2023 (Miyerkules).

Nabatid kay Rimorin na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng QCPD Station 14 Holy Spirit sa pamumuno ni PCAPT. Elmer Antonio laban sa isang alyas “Ayo” (nakilalang si Lynnette Rolle) dahil umano sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.

Sinabi pa sa ulat ng isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer laban sa suspek na si alyas Ayo at bumili ng halagang P3,200 halaga ng umano’y shabu.

Matapos umanong iabot ang isang piraso ng heat sealed small transparent plastic sachets ng hindi pa mabatid na dami ng hinihinalang droga kapalit ng naturang halaga agad dinakip ang suspek.

Kasama rin dinakip ang dalawang kasamahan ng suspek sa naturang lugar makaraang isagawa ang police operation.

Nakuha mula sa mga suspek ang may anim na piraso ng heat sealed small transparent plastic sachets na hinihinalang naglalaman ng iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000.

Kaugnay nito itinanggi naman ng mga suspek ang akusasyon laban sa kanila na kasalukuyan nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Santi Celario