3 mag-uutol, 2 pa tiklo sa buy-bust

3 mag-uutol, 2 pa tiklo sa buy-bust

February 23, 2021 @ 3:42 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Arestado ang tatlong magkakapatid at dalawa pang kasama matapos kumagat sa buy-bust operation na ikinasa ng Quezon City Police District (QCPD)  kagabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD director P/BGen. Danilo Macerin ang mga nadakip na magkakapatid na sina Marvin Reyes, 29, Rosalyn Reyes, 31, Maricris Reyes, 28, kasama nila na sina Oliver Cordora, 31 at Japeth Piedad, 32, pawang ng Brgy. Tatalon, Q.C.

Ayon kay Kamuning Police Station 10 commander P/Lt. Col. Alex Alberto, dakong 9:30 ng gabi nang isagawa ang drug operation sa room no. 23, Crest Apartelle sa E. Rodriguez Sr., Brgy. Kristong Hari Q.C.

Isang impormante ang nagsabi sa mga awtoridad sa illegal na aktibidad ng magkakapatid dahilan upang ikasa ang buy-bust.

Bumili ng halagang P12,500 ang mga pulis kina Marvin at Cordova at nang magkaabutan ay rito na dinakma ang dalawa.

Dinakip din sina Rosalyn, Maricris at Japeth makaraang mahuli sa aktong “bumabatak” sa kuwarto na inupahan.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 61 gramo ng shabu na nagkakahalagang P414, 800, drug paraphernalia, cellular phone na gamit sa pakikipagtransaksyon sa kanilang parokyano, gayundin ang buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek at sila’y nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang  Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Pinapurihan naman ni Macerin ang mga kapulisan na walang sawa sa pagsasagawa ng operasyon upang madakip ang mga tulak at  durugista sa Q.C.

“Mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga ang ating ipatutupad sapagkat nais nating maging maayos, mapayapa at ligtas ang ating siyudad,” saad ng heneral. Jan Sinocruz


  •  
  •  
  •