3 magkakaanak timbog sa P.5M tobats

3 magkakaanak timbog sa P.5M tobats

July 17, 2022 @ 4:33 PM 1 month ago


Bulacan-Arestado ang tatlong pinaghihinalaang tulak matapos mabilhan at mahulihan ng P510,000.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang mga suspek na sina Jerry Dela  Peña y Apatan, 34, vendor; Russel Dimapanag y Apatan, 54, sari-sari store owner; at Jeffrey Dimapanag y Apatan, construction worker kapwa residente ng Brgy. Gaya-gaya.

Sa report,ikinasa ang operasyon nang pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU),Bulacan 1st PMFC at San Jose Del Monte police bandang 3:00 pm nitong Hulyo 16 sa Brgy. Gaya-gaya.

Ayon sa report, nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad na si alyas Jerry ang “source ng iligal na droga sa naturang lugar.

Dahil dito, agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad hanggang sa mabilhan ng isang sachet na pinaghihinalaang shabu si Jerry kaya ito inaresto.

Bukod sa buy-bust item nakuha pa kay Jerry ang 15 medium heat sealed transparent plastic sachets na pinaghihinalaang shabu,cal.38 revolver ,holster beltbag,apat na bala,belt bag at weighing scale.

Nalamang nang kapkapan naman ng mga awtoridad sina Russel at Jeffrey na nasa lugar ay nahulihan ng dalawang small sachets na pinaghihinalaang shabu kaya inaresto rin.

Sinasabing nasa 75 grams na pinaghihinalaang shabu na may DDB value na P510,000.00 ang nakumpiska sa operasyon ng mga awtoridad.

Nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek habang nakakulong sa PIU-Bulacan. Dick Mirasol III