3 MAGKAKASUNOD NA LINDOL

3 MAGKAKASUNOD NA LINDOL

January 20, 2023 @ 1:32 AM 2 weeks ago


ANO kaya ang nagaganap sa mundo?

Una, hindi tayo naiiba sa ibang mga bansa na sobrang binabaha sa mga araw na ito.

Kasabay nating inuulan at binabaha ang California sa United States at Western Australia.

Pare-parehong may mga namamatay sa California, Australia at Pilipinas.

At pare-pareho ring nasisiraan ng malalaking halaga ng ari-arian.

MALALAKAS NA LINDOL

Pero itong mga lindol ang nakababahala.

Magkakasunod ang malalakas na lindol, mga Bro, na naganap hindi lang Indonesia kundi sa Pilipinas din.

Sa Indonesia, nitong Enero 10, magnitude M7.6 ang lakas ng lindol na yumanig sa karagatan sa pagitan ng Indonesia at East Timor.

Mabuti na lang at 95 kilometro ang lalim ng pinagmulan ng lindol kaya sa ibabaw, hindi gaanong nakapinsala ito sa mga naninirahan sa lupa at naglalayag sa mga karagatan.

Kamakalawa o Enero 18, dakong ala-1:00 ng tanghali, lumindol ng magnitude 7.0 sa isla ng Halmahaera, Indonesia ngunit malayo sa kalupaan.

Mabuti rin at may lalim na 48 kilometro ang lindol bagama’t nagtagal ito ng 20 segundo na sinasabing delikado dahil pinagmumulan ng sobrang kasiraan ang ganitong katagal.

Dakong alas-2:00 ng hapon o halos kasabay ng magnitude 7.0 na lindol sa Indonesia, lumindol din sa Pilipinas ng magnitude 7.3.

Swerte natin at 353 kilometro ang layo nito sa Sarangani at Davao Oriental.

Isa pa, 64 kilometro ang lalim nito sa kalaragatan.

Pare-parreho ang mga malakas na lindol na ito na hindi nakalikha na tsunami na labis na nakamamatay at nakapipinsala.

30-50K MAMATAY SA ‘THE BIG ONE’

Kumbaga sa tao, kakosa o dabarkads ng mga nabanggit na malalakas na lindol ang the The Big One” na hihintay na mangyari sa Metro Manila.

May lakas na magnitude 7.2 ang The Big One na tinatawag ding West Valley Fault o bitak ng lupa.

May habang 100 kilometro ang The Big One na nagmumula sa Bulacan, Rizal at Metro Manila hanggang Cavite at Laguna.

May mga bitak na ng lupa na bahagi ng The Big One kaya naman, may mga lugar, halimbawa, sa Quezon City ipinagbawal nang matayuan ng mga gusali.

Ang nakatatakot dito, mga Bro, maaari umanong mamatay kaagad ang nasa 30,000-50,000 tao.

Eh paano ang iba pa, gaya ng sinasabing 100,000 mamamatay sa 30 metrong baha mula sa Angat dam sakaling magiba rin ito sa dahil sa The Big One?

MGA PROBLEMA PA

Kapag magaganap ang The Big One, hindi lang mga patay ang problema kundi ang mga masusugatan.

Ano ang mangyayari sa mga ito kung giba rin ang mga ospital?

Paano kung magkasunog sa pagkalagot at pagka-ground ng mga kuryenteng sala-salabat kahit saan, paano?

Ang mga magigibang tulay, riles ng tren at kalsada na magiging harang sa mga rescue group, paano?

At ang pagkagiba ng mga komunikasyonn dahil sa pagkalagot ng kanilang mga kawad o pagguho ng kanilang mga tower, paano ang epekto nito sa mga rescue group mula sa pulisya, military at iba pa?

Kung nasa 30,000-50,000 ang mamamatay, milyones, mga Bro, ang matatamaan.

Paano makakakilos ang pamahalaan at mamamayan nang maayos, mabilis at epektibo para umayuda sa mga biktima, lalo na kung gabi maganap ang lindol at trahedya?