3 magnanakaw ng kable huli habang nagsusugal

3 magnanakaw ng kable huli habang nagsusugal

September 15, 2022 @ 1:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong magnanakaw ng cable wire sa Skyway at PLDT matapos mahuli sa akto habang nagsusugal at mahulihan ng shabu sa kahabaan ng Araneta Avenue, Quezon City kahapon ng madaling araw, Setyembre 14.

Kinilala ang mga nadakip na sina Alexander Opaa, 33-anyos, John Michael Tubis,25 at James dela Cruz, 30-anyos ng Brgy. Manresa, QC.

Ayon kay PSSg. Christopher Bermejo ng Quezon City Police District station 1 Laloma nadakip ang mga suspek sa kahabaan ng Araneta Avenue corner Mauban Street, Brgy. Manresa, QC dakong alas 3:00 ng madaling araw kahapon.

Sinabi ni Bermejo na nagsasagawa ng routenary patrol ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Units (TMRU) ng Laloma police sa pangunguna nina PCpl. Angelito Malate at PCpl. Allan Patrick Lorenzo ng maispatan ng mga pulis ang mga suspek habang nagsusugal ng kara y cruz sa lugar.

“Nagpapatrolya ang mga pulis natin ng masita ang mga yan habang nagsusugal” ani pa ni Bermejo.

Agad sinita ng mga pulis ang mga suspek dahil sa pagsusugal subalit ng kapkapan ay nakuha sa mga ito ang dalawang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Sangkot din umano ang mga suspek sa serye ng pagnanakaw ng cable ng PLDT at cable wire ng Skyway sa kahabaan ng Araneta Avenue dahil ang dalawa sa mga nadakip ay sangkot umano sa pagnanakaw ng cable wire sa lugar. Santi Celario