3 mall, 47 iba pang establisimyento ipagigiba sa Cebu

3 mall, 47 iba pang establisimyento ipagigiba sa Cebu

November 27, 2022 @ 11:54 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maglalabas ng notice of demolition ang pamahalaang lungsod ng Cebu sa 51 commercial at business establishments sa Lunes, Nobyembre 28.

Ito ay sa ilalim ng kanilang “Gubat sa Baha” Task Force kung saan ayon sa Cebu City Public Information Office, nasa 50 commercial at business establishments na nakapwesto sa Estero de Parian ang makatatanggap nito makaraang makakuha ng go-signal mula kay Task Force Chairman at dating Environment Secretary Roy Cimatu nitong Biyernes, Nobyembre 25.

Kabilang sa mga mabibigyan ng notice of demolition ay ang tatlong mall.

Ayon sa task force, ang mga establisimyentong ito ay lumabag sa three-meter easement policy dahilan upang masakop na ang bahagi ng mga ilog sa Cebu City.

Dagdag pa, isang motel naman sa Barangay Mabolo ang nakatakda ring bigyan ng notice of demolition sa unang linggo ng Disyembre makaraang ipwesto ang istruktura sa Mahiga River.

Bibigyan ng 10 araw na palugit ang mga may-ari upang gibain ang istruktura na nakasasakop na sa ilog sa lungsod.

Nauna nang nabigyan ng demolition notice ang dalawang establisyimento noong Biyernes, ito ay ang White Knight Hotel at Lighthouse Restaurant sa General Maxilom Avenue.

Ani Cimatu, hihingi siya ng tulong sa Department of Environment and Natural Resources upang magsagawa ng slope survey sa pitong ilog sa lungsod kabilang na ang Guadalupe, Kinalumsan, Mahiga, Lahug, Estero de Parian, Bulacao, at Butuanon.

“Through this, we can mitigate the flow of the water especially na kung mag-high tide para hindi makapasok sa river and cause flooding,” aniya. RNT/JGC