3 medalya hinakot ng Pinay na pulis sa Netherlands

3 medalya hinakot ng Pinay na pulis sa Netherlands

August 1, 2022 @ 3:03 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Humakot ng 3 medalya ang isang pulis mula Bohol sa katatapos na World Police and Fire Games na ginanap sa Netherlands.

Naibulsa ni Police Staff Sgt. Maria Caress Arnejo ang gold medal sa over 60 kilogram 30+ category ng karate.

Silver naman ang nasungkit nito sa 10,000-meter run women’s master 30+ category, at bronze sa karate kata kyu bet 18+ category.

Inamin ni Arnejo na naging atleta siya noong nasa kolehiyo pa siya bago maging pulis.

“Hindi ko inasahan na magagamit ko pa rin ang pagiging atleta sa serbisyo. An athlete is always an athlete,” wika ni Arnejo, na nakadestino sa Bohol Provincial Police Office.

Bukod kay Arnejo, naibulsa rin ni Staff Sgt. Rodel Bustamante, na nakatalaga sa Davao del Sur, ang isang gold medal.

Hiniya ni Bustamante ang mga katunggali mula Malaysia sa men’s masters 40+ 5,000-meter walk, isang track and field event.

Todo pasasaalamat si Bustamante, na nanalo rin ng silver medal sa World Police and Fire Games noong 2019, sa tiwala at suporta sa kanya.

Halos 10,000 atleta na kabilang sa uniformed services — gaya ng mga pulis, bombero at corrections officer — mula 70 bansa ang sumali sa 1 linggong World Police and Fire Games.JC