3 medalya nasikwat ni  Yulo sa Qatar World Cup artistic gymnastics

3 medalya nasikwat ni  Yulo sa Qatar World Cup artistic gymnastics

March 5, 2023 @ 4:31 PM 4 weeks ago


MANILA – Nasungkit ni Carlos Edriel Yulo ang tatlong medalya, kabilang ang ginto sa floor exercise event sa pagtatapos ng 2023 International Gymnastics Federation (FIG) Artistic Gymnastics World Cup second leg sa Qatar noong Sabado.

Ang 2019 world champion ay umiskor ng 14.833 puntos upang angkinin ang tagumpay sa Aspire Dome sa Doha City.

Si Kazuki Minami ng Japan, ang 2019 champion sa Cottbus, Germany at Paris, France, ay pumangalawa sa iskor na 14.200 habang si Luke Whitehouse ng Great Britain ay nakakuha ng 13.966 para tumira sa ikatlong puwesto.

Nakuha rin ni Yulo, na nanalo ng apat na gintong medalya sa 2022 Vietnam Southeast Asian Games at triple-gold medalist sa 2022 Asian Championships, ang pilak sa parallel bars event at ang bronze sa vault event.
Nagsumite siya ng pangalawang pinakamahusay na iskor na 14.933 sa parallel bars event na napanalunan ni Illia Kovtun ng Ukraine, na umiskor ng 14.966.

Nanguna rin si Kovtun sa kaganapan sa unang leg na ginanap sa Cottbus noong nakaraang buwan.

Kinuha ng dalawang beses na European champion na si Ferhat Arıcan ng Turkey ang bronze medal sa iskor na 14.733.

Sa vault event, umiskor si Yulo ng 14.883 para tumira sa bronze.  Ang gintong medalya ay napunta kay 2020 Tokyo Olympics bronze medalist at 2022 world champion na si Artur Davtyan (15.083).

Nakuha ni Igor Radivilov ng Ukraine, isang apat na beses na European champion, ang bronze medal sa iskor na 14.899. Sina Yuya Kamoto ng Japan (high bar), Yang Liu ng China (rings) at Nariman Kurbanov (pommel horse) ng Kazakhstan ang iba pang gold medalists. Ang ikatlong leg ay iho-host ng Baku, ang kabisera ng lungsod ng Azerbaijan, sa Marso 9 hanggang 12.JC