Manila, Philippines – Arestado ang tatlong lalaki na nanloob sa isang bahay sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ang mga suspek na sina Finnegan Singson, 18, nakatira sa ikalawang palapag ng gusali, Alvin Reyes, at Maheer Catiis kapwa nakatira sa Prudencion Street, Sampaloc, Maynila.
Sa kuha ng CCTV, dakong alas-tres ng madaling araw nang mapadaan ang dalawang lalaki patungo sa isang gusali sa nasabing lugar.
Nagsilbing look out ang isa na nakilalang si Reyes habang ang isa naman ay una nang pumasok sa gusali na isa umanong residential building.
Gayunman, pagkalipas lamang ng ilang minuto ay nakita ang tatlong lalaki na lumabas sa gusali at magkakasamang nilisan ang lugar.
Ayon kay P/Supt. Andrew Aguirre, hepe ng MPD-Station 4, pagnanakaw ang pakay ng mga suspek dahil ang mga nakatira sa unang palapag ng gusali ay nanakawan ng mga gamit at cellphone.
“‘Yung mga victims natin, humingi ng tulong sa barangay. Then luckily, nakita ng mga barangay officials ‘yung mukha ng mga suspect at kilala nila ‘yung isang bata.” ani Aguirre.
Ayon naman sa barangay na nakakasakop sa lugar, kilalang pasaway si Singson mula pa noong 15-anyos pa lamang ito dahil nasangkot na ito sa droga.
Habang si Reyes naman ay dati na ring nakasuhan ng pagnanakaw.
Tinanggi naman ni Singson ang paratang laban sa kanya ngunit pilit din siyang idinadawit ni Reyes.
Ang tatlo ay sumailalim na sa inquest proceedings at nahaharap sa kasong theft.
Patuloy naman ang follow-up operation ng PS4 upang mahuli ang iba pang posibleng kasabwat ng mga suspek na akyat bahay.
Payo pa ni Aquirre sa publiko na tiyaking naka-lock ang kanilang pinto at maging vigilant upang hindi mabiktima ng akyat bahay gang. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)