3 miyembro ng ‘budol-budol’ gang arestado

3 miyembro ng ‘budol-budol’ gang arestado

October 27, 2022 @ 2:40 PM 1 month ago


BACOOR, Cavite- Arestado ang tatlong notoryus na miyembro ng “budol-budol gang” kabilang ang isang ginang sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rolando Samson, alyas “Intsik”, 53, Mark Sanchez, 33, kapwa residente ng Brgy. Sampaloc IV Dasmariñas Cavite at Marilyn Geroy, 50, residente ng Brgy. San Francisco Area-B, Dasmariñas City, Cavite

Batay sa report ng Bacoor City Police Station, dakong alas-11 ng umaga naganap ang insidente sa tabi ng Jollibee na matatagpuan sa Barangay Bayanan, Molino Blvd. ng lungsod.

Kwento ng biktimang si Jacinta Uriarte, 72-anyos, residente ng Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite,, nilapitan siya ni Samson at kinausap.

“Madam alam kung matulungin ang mga senior citizen di ko kasi kabisado ang lugar may alam ka bang binibilhan ng makina ng motor boat,” ani Uriarte.

Sunod na lumapit si Geroy at inanyayahan siyang sumakay sa kotse na Honda City na may plakang no. ZHK945 na minamaneho naman ni Sanchez.

Agad na nakuha ng mga suspek ang tiwala ng matanda at habang nasa loob sila ng sasakyan pinakitaan ni Samson ang biktima ng pera (Budol Money) na nakalagay sa brown envelope .

Tuluyan nakuha ng mga suspek ang tiwala ng biktima hanggang sa nakumbinsi pa itong gamitin na ilagay sa kanyang bank account ang pera subalit kailangan nitong kunin ang kanyang ATM at mag withdraw ng halagang P150,000 sa PS bank.

Pinangakuan din ng mga suspek na malaki ang komisyon na makukuha ng biktima sa bawat transaksyon na bibilhin motor boat.

Pagkakuha ng pera ng biktima sa bangko ay muli na silang bumalik sa sasakyan at kunwaring hinihintay ang katransaksyon nila sa motor-banca.

Dito, inutusan ni Samson si Geroy na kunin ang pera sa biktima at pagsasamahin na ang kanilang pera sa iisang envelope at hindi na namalayan ni Uriarte na ipinagpalit na ang kanyang pera sa budol-money.

Hanggang sa sinabi ni Samson na kanselado ang kanilang transaksyon at ihahatid na lamang ang biktima sa kanilang bahay saka inabot ang envelope na naglalaman ng budol-money na sa pag-aakala ng biktima ay totoong pera ang laman.

Pagdating sa bahay nagulat na lamang ang biktima sa kanyang nakita na nasa ibabaw lamang ang totoong pera na isang P1,000 at P50.00 habang ang nasa ilalim ay mga nakatuping papel.

Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang biktima at sa isinagawang follow-up operation nadakip ang mga suspek at nakuha sa mga ito ang P150,000 na pera ng biktima, isang Granada naman ang nakuha kay Samson habang 1 caliber .45 na may 5 bala ang nakuha kay Sanchez.

Kasalukuyan nakakulong sa lock-up cell ng Bacoor City Police Station ang mga suspek at nahaharap sa kasong swindling o paglabag sa RA 10591 at RA 9516. Mary Anne Sapico