3 NPA bombers patay sa engkwentro sa militar

3 NPA bombers patay sa engkwentro sa militar

July 15, 2022 @ 4:26 PM 4 weeks ago


SAMAR- Patay ang tatlong pinaniniwalaang miyembro rebeldeng New People’s Army (NPA) bombers sa isinagawang pursuit operation ng militar Miyerkules sa bayan ng San Jorge.

Ayon kay Joint Task Force (JTF) Storm spokesperson Captain Ryan Layug ang tatlong hindi pa nakikilalang napatay na NPA ay kasapi ng Platoon Yakal SRC Browser na kinabibilangan ng isang babae at dalawang lalaki.

Sinabi ni Layug ang mga napatay na NPA ay sangkot sa pambobomba nitong Hulyo 5 sa Northern Samar na ikinasugat ng 7 sundalo.

Tinumbok ng militar ang mga dinanaan ng mga suspek mula sa katimugan ng Northern Samar hanggang Samar province.

Matatandaan na noong Hulyo 8, 2022 nakasagupa rin ng militar ang mga rebeldeng NPA sa bulubunduking bahagi ng San Jorge.

Makalipas ang limang araw, sunod naman nakasagupa ng militar sa magubat na bahagi ng lugar malapit sa Barangay Libertad sa nasabing bayan noong Hulyo 13, ng tanghali.

Narekober naman ng 801st Infantry Brigade sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang 3 M16 rifles, isang AK 47, at homemade shotgun.

Nakuha rin sa lugar ang mga anti-personnel mines, election campaign materials, at mga sulat katabi ng mga bangkay ng mga rebelde.

Bunsod ng masamang panahon at nasa naagnas na rin ang bangkay ng mga rebelde inirekomenda ng San Jorge Municipal Health Office na ilibing na ang mga bangkay para hindi na kumalat ang masangsang na amoy na nagdudulot ng sakit sa mga residenteng malapit sa nabanggit na lugar. Mary Anne Sapico