3 NPA patay sa engkwentro

3 NPA patay sa engkwentro

October 15, 2022 @ 12:36 PM 1 month ago


AGUSAN DEL SUR- Patay ang tatlong miyembro ng teroristang New People’s Army (NPA) nang maka-engkwentro ang tropa ng pamahalaan Biyernes sa Sibagat, Agusan del Sur.

Sa report ng 65th Infantry Battalion, Philippine Army dakong alas-9:10 ng umaga naganap ang sagupaan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Kolambugan, Sibagat, Agusan del Sur habang nagsasagawa ng combat operation.

Pagdating sa naturang lugar sinalubong sila ng mga putok ng baril na higit sa 30 kasapi ng NPA sa ilalim ng SYP 21A, Guerilla Front 21, SRC, ng North Eastern Mindanao Regional Command.

Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan hanggang sa nag-atrasan ang mga rebelde matapos makitang duguan ang kanilang mga kasamahan at iniwan sa naturang lugar ng engkwentro.

Narekober ng militar sa nabanggit na lugar ang tatlong M16 Rifle 7.62mm, at 6 na jungle packs na may lamang mga personal na kagamitan.

Dinala naman sa punerarya ang mga bangkay ng rebeldeng NPA at hinihintay na lamang mga kaanak na maaaring kumuha at para na rin sa pagkakakilanlan sa mga ito.

Wala naman naiulat na nasugatan o nasawi sa panig na pamahalaan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng militar laban sa rebeldeng grupo. Mary Anne Sapico