3 NPA patay sa sagupaan

3 NPA patay sa sagupaan

July 29, 2022 @ 1:27 PM 1 week ago


CANLAON CITY- Patay ang tatlong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos makasagupa ang militar sa bulubunduking bahagi sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga napatay na rebelde na sina Cristina Jacolbe alyas Chave, 40, finance officer ng CN1; Ernie Jacolbe alyas Frezy, 42, vice commanding officer ng Section Guerilla Unit, CN1; at Everly Kee Jacolbe alyas Kaye, 18, miyembro ng CN1.

Ayon kay Lt. Col. William Pesase, commander officer ng 62nd Infantry Battalion-g Philippine Army, naganap ang sagupaan sa Barangay Budlasan, Canlaon City lalawigan ng Negros Oriental.

Sinabi nito na nagpapatrolya sila Barangay Macagahay Moises Padilla, Negros Occidental ng maka-tanggap sila ng tawag sa isang sibilyan na may mga armadong grupo ng kalalakihan sa Barangay Budlasan at nanakot sa mga residente.

Mabilis na rumesponde ang tropa ng 62IB sa nabanggit na lugar subalit sa bungad pa lamang sila ay sinalubong na sila ng mga putok ng baril ng nasa 10 miyembro ng NPA ng Central Negros 1 (CN1) ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, at Siquijor (KR-NCBS).

Gumanti naman ng putok ang militar na nauwi sa bakbakan at tumagal ng 10-minuto ang palitan ng putok na ikinamatay ng 3 rebelde habang wala naman naiulat na sugatan o nasawi sa panig gobyerno.

Narekober ng militar sa lugar ng pinangyarihan ng bakbakan ang isang KG9 semi-automatic firearm na may kargang magazine; dalawang kalibre .45 na pistol na may dalawang magazine; isang kalibre .38 revolver; isang baril; sari-saring mga bala; pinaghihinalaang subersibong mga dokumento; at mga personal na gamit./Mary Anne Sapico