3 NPA, sumuko bitbit armas, gamit pang-medikal

3 NPA, sumuko bitbit armas, gamit pang-medikal

February 7, 2022 @ 6:46 AM 8 months ago


CAGAYAN VALLEY-Tuluyan nang tinalikuran ang komunista-teroristang grupo ang tatlong (3) tagasuporta at miyembro ng New Peoples Army o NPA sa Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan.

Kusang sumuko sina Alias “Riting”, 42 anyos; Alias “Lando”, 44 anyos, kapwa residente ng Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan at Alias “Paquito”, 45 anyos, na residente naman ng Barangay Mission, Sta Teresita, Cagayan sa tulong ng mga tropa ng 98th Infantry Battalion, Marine Battalion Landing Team at ng mga tauhan ni PMaj. Garry Macadangdang, hepe ng Gonzaga Police Station.

Kasama sa mga isinuko ng mga tagasuporta at miyembro ng makakaliwang grupo ang mga gamit pandigma at gamit pang-medikal ng mga terorista.

Ayon sa tatlo, pagod na sila sa kasinungalingan at ginagawang panloloko ng makakaliwang grupo sa kanila at taong bayan.

Nais na rin raw nila na mamuhay ng normal at mailayo sa panganib na hatid ng mga teroristang rebelde.

Inihayag naman ni LTCol. Abraham M Gallangi Jr, Commanding Officer ng 98IB, na ang pagsuko ng tatlong tagasuporta ng makakaliwang grupo ay resulta ng patuloy na kooperasyon at pakikipagtulungan ng mismo ng mga residente sa Gonzaga sa ipinatutupad na NTF-ELCAC ng pamahalaan. Rey Velasco