3 NTC officials, ipinatawag ng Comelec

3 NTC officials, ipinatawag ng Comelec

April 24, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) para sagutin ang petisyon na inihain laban sa kanila dahil sa umano’y paglabag sa Fair Election Act at Omnibus Election Code (OEC).

Sa isang subpoena, inutusan ng poll body sa pamamagitan ng Law Department nito ay inatasan si NTC chief of adjudication division Nilo Lozada, chief ng radio spectrum planning division Roberto Tolentino, at head of regulation branch Imelda Walcien, na sagutin ang kasong isinampa laban sa kanila dahil sa umano’y paglabag sa Section 100 ng Omnibus Election Code of the Philippines, na sinususugan ng Republic Act. No. 7166, kaugnay sa Seksyon 262 ng OEC.

“Under and by virtue of the authority and power vested in the Commission on Elections by Section 52 (d) of the Omnibus Election Code (OEC), you are hereby noticed that a complaint has been filed against you for alleged violation of Section 100 of the Omnibus Election Code of the Philippines, as amended by Republic Act. No. 7166, in relation to Section 262 of the Omnibus Election Code,” ayon sa poll body

“Accordingly, and in compliance with Comelec Resolution No. 10673, you are hereby directed to submit the digital/scanned copy of your duly notarized Counter-Affidavit and other supporting documents or affidavits or witness/es if any in PDF on or before May 13, 2022 thru electronic email,” dagdag pa

Ang subpoena na inihain ay kaugnay ng reklamong inihain ng Emerald Investments Inc., isang shareholder ng Now Telecom Company Inc. laban sa mga opisyal ng NTC para sa pagtatakda ng pagdinig sa panahon ng halalan, na humiling ng pagpapabalik sa lahat ng mga frequency ng radyo na nakatalaga sa Now Telecom .

Ang pagdinig para sa reklamo ng NTC laban sa  Now Telecom ay itinakda sa  April 25, 2022.

Sinabi ng Emerald sa complaint-affidavit na inihain noong Abril 19 na “anumang banta ng pagsususpinde o pagkansela ng mga frequency ng radyo ng Now Telecom ay hindi lamang makakaabala sa mga operasyon nito at malalagay sa alanganin ang negosyo nito, ngunit magdudulot din ng hindi nararapat na pagkiling sa mga shareholder nito, kabilang ang Emerald.”

Si Emerald ay mayroong 12.8-porsiyento na interes sa Now Telecom.

Nagbabala rin ang Comelec na ang kabiguang sumunod sa subpoena ay maituturing na waiver of right to present defense at ang kaso ay dapat isumite para sa resolusyon.

Ang panahon ng halalan para sa mga halalan sa Mayo 2022 ay nagsimula noong Ene. 9, 2022 at magtatapos sa Hunyo 8, 2022.

Ang OEC ay nagbibigay ng parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, nang walang probasyon, para sa mga pagkakasala sa halalan. Kung mapatunayang nagkasala, ang isang akusado ay makakaranas din ng mga karagdagang parusa tulad ng diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong tungkulin at pag-alis ng kanyang karapatan sa pagboto. Jocelyn Tabangcura-Domenden