3 Omicron recombinant, binabantayan ng DOH, WHO

3 Omicron recombinant, binabantayan ng DOH, WHO

April 5, 2022 @ 8:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Mahigpit ngayong binabantayan ng mga Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) ang tatlong klase ng Omicron recombinant na XD, XE at XF.

Ang recombinant ay tumutukoy sa kombinasyon ng dalawang magkaibang variant ng virus.

Ang Omicron XD ay unang na-detect sa France na tinawag na variant under monitoring ng WHO.

Kombinasyon naman ng BA.1 at BA.2 subvariant ng Omicron ang Omircon XE na ayon sa mga pag-aaral ay sampung beses na mas nakahahawa kumpara sa BA.2.

Una itong na-detect sa UK at kamakailan lang din nang makapagtala ng kaso nito sa Thailand.

Nangangamba naman ang mga health expert sa posibleng epekto ng XE na sinabayan pa ng mga campaign rally at mababang booster vaccination rate.

“Talagang medyo nangangamba kami sa magiging epekto nito lalong lalo na ngayong merong nababalitang bagong omicron. Eh ang omicron 8 times na mabilis ang pagkalat. Ang nare-report ay 10 times naman,” ani Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians.

“So ibig sabihin, talgang masyadong nakakahawa ito, mabilis makahawa and ‘yung nangyayari ngayon sa atin na masyadong dikit-dikit, lalong lalo na ‘yung mga kampanya. So nangangamba kami na ito ‘yung pagsimulan talaga ng mabilisang pagkalat ng virus,” dagdag niya.

Sa ngayon, ay wala pang nade-detect na XE variant sa Pilipinas pero nagbabala na rin ang ilang eksperto sa posibleng pagpasok nito lalo’t bukas na ang borders ng bansa sa lahat ng foreign travelers.

Nakiusap din sila sa publiko na magpabakuna na at magpaturok ng booster shot bilang dagdag na proteksyon sa virus. RNT/ JCM