3 opisyal ng CPP-NPA sa Central Luzon, naaresto

3 opisyal ng CPP-NPA sa Central Luzon, naaresto

April 18, 2022 @ 6:47 AM 2 months ago


FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija – Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang tatlong babaeng opisyal ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa may Purok 3 ng Barangay Mawaque, sa lungsod ng Mabalacat sa Pampanga noong Miyerkules Santo ng hapon.

Sa ulat na tinanggap ni Philippine Army Major Gen. Andrew Costelo, commander ng 7th Infantry (KAUGNAY) Division, naisilbi ng otoridad ang warrant of arrest para sa kasong murder sa isang Evelyn C. Munoz, alyas “Ched” / “Emy” / “Maye”, “Miray”, na umano’y opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP) bilang Central Luzon Regional Committee Secretary; National Finance Commission Secretary; Politburo at miyembro ng CPP Central Committee.

Arestado rin sina Erlinda Lansang alyas “Dahlia”, miyembro at political instructor ng Komiteng Larangang Guerrilla Tarlac-Zambales (KLG-TARZAM) at isang Margarita Lansang alyas “Mara”, secretary ng LGP-4, CLRC/EXECOM member ng Central Luzon Regional Komite.

Nakarekober din sa isinagawang pag-aresto, bandang alas-5:30 ng hapon, ng isang kalibre .45 baril; dalawang magazine assemblies na may 14 na bala; ilang identification card na may larawan ng tatlo na may iba’t-iba umanong pangalan; 26 na yunit ng mga cellular phone; 3 laptop; ilang piraso ng USB storage device; mga subersibong dokumento at salapi sa iba’t ibang denominasyon na tinatayang aabot sa P400,000.

Nabatid na ang pag-aresto sa tatlong opisyal ng NPA ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Mabalacat City Police, Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3, CIDG-Pampanga, Special Action Force, intelligence unit ng 703 Infantry (AGILA) Brigade, at 70th Infantry Battalion, ayon kay Costelo.

Samantala, sinabi naman ni Phil. Army Col. Joseph Norwin Pasamonte, commander ng 703rd Infantry (AGILA) Brigade na ilang buwan umano nilang trinabaho katuwang ang pulisya, sa pagsubaybay sa mga naaresto. Ver Sta. Ana