3 opisyal ng NPA nasakote sa GenSan

3 opisyal ng NPA nasakote sa GenSan

January 30, 2023 @ 5:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang tatlong matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa isinagawang operasyon sa General Santos City.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Romeo Caramat nitong Lunes, Enero 30, ang mga naaresto ay sina
Ruben Saluta, secretary ng National Propaganda Commission of the CPP Central Committee at dating secretary ng Panay Regional Party Committee (PRPC) ng NPA; Presentacion Cordon Saluta; pinuno ng Komiteng Rehyonal Panay (KR- Panay) at Yvonne Losaria, lider ng Sentro-De-Gravidad, Guerrilla Front 35, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).

Naaresto ng mga operatiba ng CIDG ang tatlong suspek sa ikinasang operasyon sa Phase 5, DoƱa Soledad, Barangay Labangal nitong Linggo, Enero 29 makaraang makatanggap sila ng ulat ng presensya ng mga ito sa lugar.

Narekober sa tatlong opisyal ang ilang armas kabilang ang tatlong M16 rifles, M14 rifle, carbine, mga bala, hand grenade, cellphone, laptop computer at ilang dokumento.

Si Ruben ay may standing arrest warrants dahil sa murder habang si Presentacion naman ay wanted sa Antique dahil sa rebellion case.

Samantala, si Losaria rin ay may standing arrest warrant sa rebellion charges.

Itinurn-over na sa CIDG Central Mindanao headquarters ang mga suspek bago ibalik sa court of origin at paglalabas ng commitment order. RNT/JGC