3 pang bansa sumoporta sa Pinas, pag-laser ng Tsina kinondena

3 pang bansa sumoporta sa Pinas, pag-laser ng Tsina kinondena

February 16, 2023 @ 7:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ang tatlo pang bansa at sinita ang mga kamakailang aksyon ng Beijing sa West Philippine Sea — partikular ang paggamit ng Chinese Coast Guard (CCG) ng blinding laser laban sa isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) noong nakaraang linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Canadian Embassy na ang mga aktibidad ng China na nakakagambala sa mga legal na operasyon ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay lumalabag sa internasyonal na batas at sumisira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

“Canada underscores its firm and unwavering support for the Philippines in the face of coercive actions of the People’s Republic of China (PRC) in the South China Sea (SCS),” saad nni Canadian Ambassador to the Philippines David Hartman sa Twitter.

Bukod sa Canada, nagpahayag din ng seryosong pag-aalala ang United Kingdom at Germany sa aksyon ng CCG, na tinawag nilang “intimidatory.”

“These dangerous acts are in violation of international law,” ayon sa British Embassy sa Manila.

“We call to refrain from any conduct that increase tensions. All states must abide by #UNCLOS,” sabi rin ni German Ambassador to Manila Anke Reiffenstuel.

Ang tinutukoy ng mga bansa ay ang 2016 ruling sa The Hague, na kinikilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) nito at nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng Beijing sa South China Sea.

Gayunpaman, iginiit ng China na bahagi ng teritoryo nito ang shoal.

Nauna rito, naglabas din ng mga pahayag ang United States, Australia at Japan bilang suporta sa Pilipinas.

Muling pinatunayan ng US na ang isang armadong pag-atake sa armadong pwersa ng Pilipinas, pampublikong sasakyang-dagat, o sasakyang panghimpapawid sa West Philippine Sea ay magpapatupad ng mga pangako nito sa ilalim ng mutual defense treaty nito sa Maynila. RNT