3 pang persons of interest sa pagkamatay ni Salilig, inaasahang susuko

3 pang persons of interest sa pagkamatay ni Salilig, inaasahang susuko

March 3, 2023 @ 11:48 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tatlo pang persons of interest sa pagkamatay ni Adamson University chemical engineering student John Matthew Salilig ang naghayag ng kanilang intensyon na sumuko, ayon sa mga pulis nitong Biyernes.

Sinabi ni Laguna Provincial Police director Police Colonel Randy Silvio na tatlo pang persons of interest ang nagtanong hinggil sa proseso ng pagsuko.

“I think mga tatlo na ‘yung nagtatanong sa akin kung papaano sumuko,” paglalahad ni Silvio.

“Sabi lang namin mag-proceed lang sa Biñan or doon sa malapit na police station para hindi na sila matakot, escort-an na sila papuntang Biñan City Police,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Biñan City Police acting chief  Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia na inaasahan ng pulisya na humigit-kumulang dalawang persons of interest na susuko, na posible ngayong araw.

“Meron po tayong inaasahan na mag-surrender dito sa ating himpilan, more or less dalawa po,” base kay Jopia.

Sa kasalukuyan, mayroon pang 10 persons of interest sa pagkamatay ni Salilig na umano’y dahil sa hazing, ang hindi pa naaaresto.

Hawak na ng kapulisan ang pitong persons of interest– anim ang sinampahan ng kaso ang isa ang sumuko sa mga awtoridad nitong Huwebes.

Batay kay Jopia, nakuha na ng mga pulis ang address ng natitirang persons of interest.

“Kapag sila po ay sumerrender, i-undergo po natin sila ng investigation dito at titignan din po natin ang kanilang criminal liability or criminal extent noong participation nila dito sa kasong ito,” pahayag niya.

Sinabi niya na dalawa sa 10 persons of interest ang sumailalim din sa welcoming rites kasama si Salilig sa Biñan, Laguna noong February 19.

“Lalakad po ang ating imbestigador para puntahan ‘yung ating dalawang biktima na na-initiate din po noong araw na yun,” ayon kay Jopia.

Sinabi ni Jopia na tinutunton na ng mga pulis ang ikalawang sasakyan na ginamit sa pagbiyahe sa katawan ni Salilig.

Nauna nang nakuha ng mga imbestigador ang unang sasakyan na sinakyan ng fraternity members na sangkot sa hazing. Natagpuan ito sa bahay ng magulang ng isa sa mga suspek na si Aaron Cruz, sa Parañaque City.

Itinuro naman ng suspek ang lokasyon ng paddle na ginamit kay Salilig, subalit aniya ay sinunog na ito. RNT/SA