3 parak, hinatulang guilty sa pagpatay sa anak ng ex-Sariaya mayor

3 parak, hinatulang guilty sa pagpatay sa anak ng ex-Sariaya mayor

January 12, 2023 @ 2:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinatulang nagkasala ng Lucena City Regional Trial Court nitong Huwebes ang tatlong dating pulis paa sa pagpatay sa anak ng alkalde at kanyang kasama noong Marso 2019.

Nahatulang guilty sina dating Tayabas City Police Station chief Police Colonel Mark Joseph Laygo, Police Corporal Lonald Sumalpong, at Patrolman Roberto Legaspi sa double murder at sinintensyahan ng double life imprisonment, ayon sa abogado ng pamilya ng biktima.

Kinsuhan ang tatlo sa pagpatay kina Christian Gayeta, anak ni dating Sariaya, Quezon mayor Marcelo Gayeta, at kanyang kasama na si Christopher Manalo.

Ipinalabas ni Judge Dennis Orendain ng Lucena RTC Branch 53 ang desisyon.

“Ang naging hatol dalawang kaso, isang kaso sa pagpatay kay Christian Gayeta at isang kaso sa pagpatay kay Christopher Manalo,” ani Crisanto Buela, abogado ng pamilya Gayeta.

“Bawat isa, life imprisonment doon sa tatlo, bawat isa sa kanila. Doon sa isang kaso life imprisonment din doon sa tatlong tao. Kaya bale dalawang life imprisonment ang tinanggap nila,” dagdag niya.

Nag-ugat ang kaso sa pagpatay kina Christian, na noo’y 21-anyos, at Manalo sa umano’y shootout sa mga pulis na na rumesponde sa ulat ng indiscriminate firing sa isang gasoline station sa Barangay Baguio, Tayabas noong Marso 14, 2019.

Subalit batay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawa nang mapatay.

“Napakatagal naming inintay itong araw na ito… bilang na bilang ng mga anak ko ang bawat araw. Tuwang-tuwa kami, siyempre,” pahayag ni Gayeta.

“Bagama’t hindi na babalik ‘yung anak ko, alam ko na maraming buhay pa ang nai-save namin dahil ginamit lang ‘yung anak ko upang nang sa ganoon ay maputol na ang kalapasatangang ginawa ng mga datihang pulis na ‘yan,” dagdag niya. RNT/SA