3 patay, 1 kritikal sa pamamaril ng kapitbahay sa Caloocan

3 patay, 1 kritikal sa pamamaril ng kapitbahay sa Caloocan

February 16, 2023 @ 2:34 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Patay ang tatlong babae, kabilang ang 72-anyos na biyuda habang nasa kritikal naman na kalagayan ang asawa ng isa sa namatay matapos pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa Caloocan City.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang si Lourma Orbe, 72, at kanyang manugang na si Angelica Orbe, 39, kapwa ng No 299 Gen. Luna St. Brgy. 10, habang dead on arrival naman sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang kanilang kapitbahay na si Mary Jane Abary, 48.

Ginagamot naman sa naturang pagamutan ang asawa ni Angelica na si Christian Orbe, 38, sanhi rin ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Hawak naman ng Caloocan City Police ang suspek na kinilala bilang si Jaymee Sy, 46, ng No. 296 Gen. Luna st. Brgy. 10 na nahaharap ngayon sa kaukulang mga kaso.

Base sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naganap ang insidente sa pagitan ng bandang alas-6:40 ng gabi hanggang alas-7:09 ng gabi sa Gen. Luna St., Corner  5th St., Brgy. 10.

Sa salaysay sa pulisya ng saksing si Shebo Orbe, 36, armado ang suspek ng mga baril at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong babae.

Mabilis namang rumesponde sa nasabing lugar ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek at narekober  sa kanya ang isang 9mm pistol na may isang magazine at 23 bala, isang cal. 38 revolver na may anim na bala, 12 gauge shotgun na may walong bala, folding knife, cellphone, ammunition box at glock box para sa 9mm.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo ng suspek sa pamamaril sa mga biktima. R.A Marquez