3 patay, 4 sugatan sa sumabog na granada

3 patay, 4 sugatan sa sumabog na granada

January 26, 2023 @ 1:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dahil sa awayan ng dalawang grupo ng kabataan, tatlo ang patay habang apat pa ang inoobserbahan sa ospital kabilang ang itinurong suspek makaraang sumabog ang isang granada sa Brgy. 8, Cavite City .

Naisugod pa sa Divine Grace Hospital ang biktimang si Julius Tindoc, Joseph Barrera, Mark Gio Layug at Reymart Patricio subalit namatay habang ginagamot ang tatlong unang nabanggit habang kritikal ang huli.

Sa Philippine General Hospital dinala sina Erickson Valenzuela at Alejandro Dizon habang sa Cavite Medical Hospital naman isinugod si Arjay Camacho na itinurong suspek.

Base sa report ni PSMSgt Jonathan Baclas ng Cavite City CPS , dakong alas-11:58 ng gabi nang naganap ang insidente sa Benitez St., Barangay 8, Cavite City kung saan dalawang grupo ng mga kabataan ang pinagmulan ng awayan hanggang sa nagkaroon ng batuhan at habulan sa magkabilang panig na umabot sa Barangay 11.

Nang dumating ang mga barangay tanod, nakita nila ang isang lalaki na kasama sa grupo na may hawak na granada at nakapasok ang kamay nito sa firing pin.

Kinausap at diniplomasya ang lalaki na may hawak na granada na humabol sa kanya subalit nagbanta itong tatanggalin nito ang pin.

Subalit sa gitna nang pag-aagawan, natanggal ng suspek ang pin ng granada at sumabog dahilan ng pagkamatay ng tatlo at pagkakasugat ng apat kabilang ang may hawak ng granada.

Hawak na ng City Social Welfare & Development (CSWD) ang. isang minor habang ang itinurong suspek na si Camacho ay kasalukuyang naka-hospital arrest. Margie Bautista