3 patay, pulis sugatan sa operasyon

3 patay, pulis sugatan sa operasyon

March 12, 2023 @ 1:00 PM 3 weeks ago


PIKIT, Cotabato –PATAY ang tatlong katao na hinihinalang na sangkot sa kasong pagpatay habang sugatan ang pulis sa isinagawang search warrant operation ng tropa ng pamahalaan, kahapon ng umaga sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Maano Sanday; Norman Samsudin alyas Bowaw, Baganian Baguinda Alimao, 65 taong gulang, pawang mga residente ng Brgy. Macabual, Pikit, Cotabato (SGA BARMM).

Tugis naman ng tropa ng pamahalaan ang dalawang nakatakas na sina Abdullah Kurdotoy at Jonathan Kadalem, kapwa residente sa nasabing lugar.

Inoobserbahan naman sa ospital si PCpl Eric Saltin Buslayan, kasapi ng Sugatan naman ang isang miyembro ng 45 SAC, SAF.

Batay sa report, bandang 5:15 AM ng Sabado, isisilbi sana ng pwersa ng 4th SAB, 11 SAB ng SAF, RID 12, 90 IB, 34th IB, 602nd BDE, 1st at 2nd CPMFC, PIU, CPPO at Pikit MPS ang Warrant of Arrest na may Criminal Case No. 21-337 for Murder, 21-338 for Attempted Murder and 21-339 for Attempted Murder na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 24 na nilagdaan ni Hon. Lily Lydia Agdepa Laquindanum, Presiding Judge laban sa mga suspek.

Subalit, pagdating sa nasabing lugar agad na sinalubong ng mga putok ng baril ang mga operatiba na nauwi sa engkwentro.

Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok na nagresulta ng pagkamatay ng tatlo habang nakatakas ang dalawa sa hindi malamang direksyon.

Nasugatan naman si Buslayan na agad dinala sa ospital para lapatan ng lunas ang tinamong sugat.

Narekober naman ng mga sundalo at pulis sa lugar ng pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang M16 Rifle, dalawang bandoliers, isang homemade shotgun, dalawang short steel M16 magazine, 48 live ammunition, at iba pa./Mary Anne Sapico