3 patay sa bangga ng bus

3 patay sa bangga ng bus

July 30, 2022 @ 10:42 AM 3 weeks ago


TOLEDO, Cebu- Patay ang tatlong indibidwal na sakay ng habal-habal matapos sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus nitong Huwebes sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Benjamin Aria Pracueles, 61, habal habal driver, taga Brgy. Bunga, Toledo City at ang dalawa nitong pasaheron na sina Maricel Aliganga Canoy, 40, taga Sityo Upper, Poog at kapitbahay nitong si Marina Son Villacencio, 53, kapwa manikurista.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng bus na kinilalang si Felimon Tagactac, 53, driver ng Calvo bus at taga Brgy. Matab-ang, ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Staff Sgt. Nicanor Goc-ong, imbestigador ng Toledo Traffic Police, dakong alas-7:30 ng gabi naganap ang insidente sa national highway sa Brgy. Poog, ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Pracueles ang kanyang habal-habal ng mawalan ito ng kontrol sa manibela at tuluyan bumangga sa kasalubong na bus na minamaneho naman ni Tagactac.

Sa lakas ng pagkakasalpok tumilapon sa kalsada ang mga sakay ng habal-habal at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Matapos ang insidente sumuko naman sa pulisya ang suspek. Mary Anne Sapico