3 patay sa pagsirit ng COVID sa Navotas

3 patay sa pagsirit ng COVID sa Navotas

August 1, 2020 @ 3:25 PM 3 days ago

Share

Manila, Philippines – Naitala kahapon, Hulyo 31 ang pinakamaraming nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa loob ng isang araw sa lungsod ng Navotas kung saan tatlo ang naiulat na namatay, ayon kay Mayor Toby Tiangco.

“246 sa ating mga kapwa Navoteño ang nagpositibo, isa ang pumanaw na, 28 naman ang gumaling at dalawang dating pasyente ang binawian na rin ng buhay,” lahad ng alkalde.

Sa kabuuan ay 2,144 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 1,120 dito ang active cases; 928 ang gumaling  at 96 na ang namamatay.

“Ang mga test result po na ating natanggap ngayon ay mula sa mga swab test noong July 23 at 24. Ibig sabihin, karamihan dito ay resulta ng 1,000 na swabbing araw-araw sa Palacio de Maynila. Wala pa rito ang dagdag na 1,000 sa ating lockdown swabbing kaya posible na sa susunod na mga araw, mas tataas pa ang bilang ng mga positibo,” ani Tiangco.

Umabot sa 611 ang natanggap na resulta ng pamahalaang lungsod kahapon kung saan 365 o 60% ang negatibo at 40% o ang naunang binanggit na 246 ang nagpositibo.

May kabuuan nang 18,614 COVID tests ang naisagawa ng pamahalaang lungsod.

Muling nagpaalala si Tiangco na magsuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig; magsuot ng face shield kung maaari; dumistansya ng 1-2 metro mula sa mga kasama at maghugas parati ng mga kamay.

“Walang mawawala sa atin kung susundin natin ito pero malaki ang paghihirap na ating mararanasan kung ‘di tayo mag-iingat at mahahawaan tayo ng sakit. Kaya huwag pahawa, huwag manghawa,” pagtatapos ni Tiangco. Merly Iral

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Loading...