3 patay sa puno ng niyog

3 patay sa puno ng niyog

August 22, 2022 @ 12:00 PM 1 month ago


SULTAN KUDARAT- PATAY ang tatlong katao habang sugatan ang anim na iba pa matapos sumalpok ang sinasakyan nilang ban sa puno ng niyog kahapon sa bayan ng Kalamansig.

Kinilala ang mga nasawi na sina Monera Teliban, Dhido Kabangkalan at Elsa Uso habang inoobserbahan naman sa ospital ang mga sugatan na sina Simeon Asani, driver ng van, Aida Ambong Mastura, Anisa Adjances, Maliah Taup Ali, Myra Taup Ali at Lyca.

Sa paunang imbestigasyon ng Kalamansig-PNP, Linggo ng hapon naganap ang insidente sa Sitio Babangkaw, Barangay Paril Kalamansig, Sultan Kudarat.

Binabaybay ng Mitsubishi Delica van na may plakang RCU-237 ang national highway sa nasabing lugar na minamaneho ni Asani ng bigla na lamang nawalan ng preno ang sasakyan.

Dahil dito, gumilid ang sasakyan sa kalsada at nagtuloy-tuloy ito sa niyugan hanggang sa sumalpok sa isang puno ng niyog.

Sa lakas ng pagkakasalpok agad na nasawi ang tatlo habang dinala naman sa ospital ang 6 para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente./Mary Anne Sapico