3 PDEA agents, 4 pulis pinakakasuhan sa 2021 PNP-PDEA ‘misencounter’

3 PDEA agents, 4 pulis pinakakasuhan sa 2021 PNP-PDEA ‘misencounter’

May 19, 2022 @ 2:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magsasampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents at apat na pulis kaugnay ng nangyaring “misencounter” sa pagitan ng magkabilang panig noong nakaraang taon kung saan apat na katao ang nasawi.

Sa ulat, plano ng DOJ na sampahan ng kasong homicide ang PDEA agents at direct assault naman laban sa mga tauhan ng Philippine National Police.

Matatandaang noong Pebrero 2021, nang masangkot sa shootout ang mga operatiba ng PNP at PDEA sa harapan ng isang fast-food chain sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Kapwa iginigiit ng magkabilang panig na nagsasagawa sila ng anti-drug operations.

Nasawi sa misencounter ang dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant.

Samantala, ang mga mahaharap sa kasong homicide ay sina PDEA agents Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman, at Jeffrey Baguidudol dahil sa pagkamatay ni Police Corporal Eric Elvin Gerado.

Kakasuhan naman ng direct assault sina Police Corporal, Paul Christian Ganzeda, Police Corporal Honey Besas, Police Major Sandie Caparroso, at Police Major Melvin Merida.

Ihahain ang mga nasabing kasi sa Quezon City Regional Trial Court.

Samantala, dalawang reklamong homicide naman ang ibinasura dahil sa kakulangan ng ebidensya. RNT/ JCM