3 pekeng empleyado ng DA timbog sa pagbebenta ng palay

3 pekeng empleyado ng DA timbog sa pagbebenta ng palay

December 2, 2022 @ 2:25 PM 2 months ago


SAGUDAY, QUIRINO – Bumagsak sa kamay ng Quirino Criminal Investigation and Detection Group Provincial Field Unit o CIDG-PFU ang tatlong peke o nagpapanggap na empleyado umano ng Department of Agriculture o DA sa isinagawang buy bust operation sa Purok 3, Brgy. Rizal, Saguday, Quirino.

Kinilala ni PMaj. Erwin Volibul, Provincial Officer ng Quirino CIDG-PFU ang tatlo umanong empelyado ng DA na sina Rubenio Garcia, 44 anyos, Salvador Garcia, 32 anyos na kapwa residente ng P-5 Brgy Bugallon Norte, Ramon, Isabela, at Delino Mercado, 52 anyos na residente ng P-3 Brgy. Rizal, Saguday, Quirino.

Pinangunahan ni PMaj. Arnel Talattad, Regional Special Operation Team-CIDG RFU2 kasama ang Quirino PFU-CIDG, NICA 2, RID 2, DA RO2 at SL Agriculture Corporation ang pagsagawa ng buy bust operation sa tatlong peke umanong kawani ng D.A.

Nasamsam ang 13 sako ng binhing palay na dapat ay hindi ibinibenta dahil sa mayroon tatak na ‘Not for Sale’ na libreng ipinamamahagi ng DA kabilang ang isang sasakyan L300 na kulay puti na may plakang TWD 877.

Tinatayang aabot sa halagang P275,000 ang halaga nito kabilang ang sinasakyan ng mga suspek.

Sa panayam ng REMATE kay PMaj. Volibul ang mga binhi ay galing umano sa isang bodega sa Cauayan kung saan kumukuha ng kanilang ibinibenta ng mga suspek na dapat libre itong ipinamamahagi sa mga magsasaka bilang subsidy lalo sa mga apektado ng bagyo.

Matandaan na unang naiulat na mayroon mga nahuli din sa lalawigan ng Cagayan na ganitong mudos operandi na galing din sa Region 1.

Dahil dito, masusi nang pinaiimbestigahan ni PLtCol. Dionisio Bonoy, Regional Chief ng CIDG RFU2 ang mga nasa likod ng pagbebenta ng binhing palay.

Nahaharap ang tatlong suspek sa paglabag sa RA 7394, Violation of PD 1612 at Estafa dahil sa pagbebenta ng binhi ng DA na may markang ‘not for sale’. Rey Velasco